Publiko pinag-iingat sa mga matataong lugar

By Kathleen Betina Aenlle November 23, 2015 - 03:56 AM

Pinaalalahanan ng Malacañang ang publiko na hangga’t maaari ay umiwas sa pagpunta sa masyadong matataong lugar tulad ng mga malls o anumang lugar na maaaring punteryahin ng mga terorista.

Ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda, walang pinipiling lugar ang terorismo kaya’t pinag-iingat ang publiko kasabay ng panawagan na i-ulat agad sa otoridad kung may mapansing kahina-hinalang aktibidad sa pagligid.

Bahagi ito ng utos ng Palasyo sa militar na mas paigtingin ang mga operasyon laban sa Abu Sayyaf at iba pang militanteng grupo matapos ang pagpugot sa bihag na Malaysian national noong nakaraang linggo.

Hindi pa naman napupulong ng Malacañang ang National Security Council (NSC) para pag-usapan ang mga dapat gawin para labanan ang terorismo.

Kabilang sa mga kasapi ng NSC ay si Pangulong Aquino, Vice President Jejomar Binay, Armed Forces Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, National Security Adviser Cesar Garcia, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Foreign Secretary Albert del Rosario, Interior Secretary Mel Senen Sarmiento at Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa.

Ayon naman kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, pinahahalagahan ni Pangulong Aquino ang pagsasagawa ng mga hakbang para ma-neutralize iyong mga maaaring magsagawa ng terorismo.

Anuman aniya ang mangyari, hindi titigil ang pamahalaan sa paglaban sa anumang uri ng terorismo kaya’t matindi rin ang kanilang panawagan sa mga tao na maging maingat sa lahat ng oras.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.