Malinaw na hanggang ngayon ay suspindido pa rin si Police Chief Superintendent Raul Petrasanta, ang matunog na uupong bagong hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP PIO Director, Chief Supt. Wilben Mayor, sa darating na Hulyo 5 pa matatapos ang six-month preventive suspension na ipinataw kay Petrasanta ng Ombudsman.
Nanunungkulan bilang Regional Director ng Central Luzon Police si Petrasanta nang suspindihin ito dahil sa sinasabing Werfast Courier Service anomaly at hiwalay na suspensyon dahil naman sa nawawalang mga AK-47 rifle na mismong si Pangulong Noynoy Aquino ang nagbunyag.
Si Petrasanta ang Director ng PNP Firearms Explosives Office (PNP-FEO) nang mangyari ang dalawang umano’y anomalya.
Sinabi ni Mayor, nakikipag-ugnayan na ang kanilang Director for Personnel and Records Management sa Ombudsman para malinawan ukol sa estado ng kaso ni Petrasanta para malaman kung saan ito maaring maitalaga sakaling magbalik na sa ‘Active Duty’ status.
Kabilang si Petrasanta sa mga umano’y pinagpipilian na papalit kay retiring PNP-OIC Leonardo Espina at kilala itong malapit sa pamilya ni Pangulong Aquino. / Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.