Nakikipag-tulungan na rin ang bansang Indonesia kaugnay sa naganap na serye ng mga pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakalipas na linggo.
Ipinaliwanag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na nakipag-ugnayan na sa kanya ang kanyang counterpart para mabilis na makilala ang sinasabing Indonesian bombers na nasa likod ng pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral.
Nauna nang sinabi ni Año na mag-asawang Indonesian ang nasa likod ng pagpapasabog base sa resulta ng kanilang paunang imbestigasyon.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng forensic investigation at DNA tests sa labi ng mga namatay sa pagsabog kasama na ang dalawang sinasabing Indonesian bombers.
Hanggang sa ngayon ay wala pang kumukuha sa mga labi ng nasabing mga dayuhan ayon pa rin kay Año.
Kanina ay sinabi ng liderato ng Philippine National Police na sumuko na si alyas “Kamah” na sinasabing kasama sa mga nasa likod ng pagpa-plano at sa mismong pagpapasabog sa cathedral.