Kuleksyon sa buwis ng Makati City mas mataas ng P815M

Photo by Rod Lagusad

Umabot sa P815.6 million ang itinaas ng revenue collections ng Makati City government mula sa business at realty taxes.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, P815.6 million na mas mataas ang kanilang revenue collections ngayong Enero 2019 kumpara noong Enero 2018.

Sa kuleksyon sa business tax ay nakapagtala ng 12.17 percent na pagtaas habang sa realty tax naman ay may pagtaas na 8.39 percent.

Sinabi ni Mayor Abby Binay na ito na ang ikalawang pagkakatoan sa ilalim ng kaniyang termino na nakapagtala ng two-digit increase sa revenue collections ang lokal na pamahalaan.

“For the second time during my term as Mayor, the city has posted a two-digit increase in revenue collections. It is a clear proof that investor confidence in my administration continues to gain strength, as we actively pursue greater efficiency and transparency in governance,” ayon kay Mayor Abby.

Nagpasalamat naman si Mayor Abby Binay sa mga businesses at landowners sa Makati sa pagiging tapat sa pagpapabayad ng kanilang buwis at sa pagbabayad nito on-time.

Sa ulat ni City Treasurer Jesusa Cuneta, ang Business Tax Division ng Makati ay nakakulekta ng P4,758,218,187.11 mula January 3 hanggang 31, 2019, na mas mataasng P516,548,963.33 kumpara sa January 2018 collection na P4,241,669,223.78.

Habang ang Real Property Tax Division, ay nakakulekta ng P3,863,652,561.14, na mas mataas ng P299,089,897.60 noong January 2018 collection ng P3,564,562,663.54.

Muling idiniin ni Mayor Abby na ang malaking itinaas ng koleksyon mula nang siya ay maupo noong Hulyo 2016 ay bunga ng mga repormang pinasimulan niya sa City Hall upang maging mas madali ang mga transaksyon para sa taxpayers, kasabay ng pagsusulong ng transparency at good governance. Kabilang dito ang pagtatag ng isang Business One-Stop-Shop sa ground floor ng City Hall Building II, at ang pagpapaigsi ng mga proseso sa pagkuha ng business permit.

Makaraang maglingkod ang alkalde ng isang buong taon noong 2017, nakamit ng lungsod ang 12-digit increase sa revenue collections. Ito ang unang beses na nakamit ito sa nakalipas na 12 taon. Matapos repasuhin ang 2017 financial statements ng lungsod, ibinigay ng Commission on Audit (COA) ang ‘unqualified opinion’ na pinakamataas na audit rating nito sa Makati. Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakamit ng lungsod ang naturang grado mula sa COA.

Nitong 2018, nakapagtala ang lungsod ng P17.8 bilyong revenue collections, na mas mataas ng 14 porsiyento kaysa sa revenue target at limang porsiyento ang lamang sa kabuuang koleksyon noong 2017. Ang pinakamalaking bahagi ay mula sa business tax na may P9.1 bilyong koleksyon, at sinundan ng realty tax na may halos P6.2 bilyon.

Noong 2018 din kinumpirma ng COA na ang Makati ang pinakamayamang lungsod sa bansa, at pumangalawa na lamang ang Quezon City. Matapos umabot ang total assets nito sa P196.7 bilyon, ang Makati ang siya ring kauna-unahang pamahalaang lokal na lumagpas sa P100 bilyon ang halaga ng assets.

Read more...