Pagpapadala ng volunteers sa Kalayaan islands, delikado ayon sa isang Navy official
Hindi sang-ayon si Vice Admiral Alexander Lopez ng Navy Western Command sa balakin ng isang grupo na magpadala ng hanggang 10,000 volunteers sa Kalayaan Group of Islands upang igiit na bahagi ng Pilipinas ang mga lugar na inaangkin ng China sa West Philippines Sea.
Sa naturang plano na binansagang “Kalayaan Atin Ito” protest, pinaplanong magpadala ng mga volunteer sa lugar na magmumula sa 81 lalawigan upang igiit na sakop ng Pilipinas ang mga lugar na pinagtayuan ng artificial islands ng China.
Paliwanag ni Lopez, masyadong malakas ang alon ngayon sa lugar ng Kalayaan Island Group kaya’t delikadong maglayag.
Karaniwan aniyang masungit ang panahon at malalakas ang alon kapag sumasapit ang huling mga buwan ng taon patungong Kalayaan Islands kaya’t hindi paborableng bumiyahe patungo doon.
Panawagan ni Lopez sa mga organizers ng plano, na pag-isipan mabuti ang kanilang gagawin upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang mga buhay.
Una rito, nanawagan ang “Kalayaan Atin Ito” movement sa publiko na suportahan ang kanilang hangarin na magpadala ng mga volunteers sa Kalayaan Island Group.
Isa sa mga bumuo ng grupo si dating Marine Captain Nicanor Faeldon na nangangalap ng pondo upang suportahan ang plano.
Balak ng grupo na magpadala ng mga volunteers sa naturang isla mula November 30 at mananatili ang mga ito hanggang December 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.