Nanawagan si Winsell Beltran, anak ng napatay na si barangay chairwoman Crisell “Beng” Beltran, na ilabas ang totoong pangyayari sa krimen.
Sa isang press conference, inihayag ng nakababatang Beltran na masakit para sa kanya na hindi personal na nakita ang mga iprinisintang suspek sa kaso ng kaniyang ina.
Hindi nakapasok ang grupo ni Winsell kasama ang abogado at ilang kaalyado ng kaniyang ina kabilang si Quezon City mayoral candidate Bingbong Crisologo sa press conference kung saan iprinisinta ang mga suspek sa press conference sa Camp Karingal.
Aniya, siya lang ang nais papasukin ngunit iginiit nito na papasukin ang kaniyang mga kasama o kaya ay ang kaniyang legal adviser.
Sinabi ni Winsell na hindi nito tiyak ang dahilan kung bakit sila hinarang na makapasok dito.
Kung pulitika man aniya ang dahilan, hiniling ni Winsell na iisantabi muna ang pulitika at tulung-tulong na ayusin ang pinagdadaanan ng kanilang pamilya.
Dagdag pa nito, hindi lamang ang kanilang pamilya ang napilayan sa pagkawala ng kaniyang ina kundi maging ang buong Barangay Bagong Silangan.
Aniya pa, hindi maituturing na case closed ang kaso ng kaniyang ina hangga’t hindi nalalaman ang motibo at kung sino ang nag-utos sa mga gunman.
Humingi ng tulong si Winsell kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kaniyang ina.
Maliban dito, nakiusap din ito sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para umusad ang kaso laban sa mga suspek.