Magpinsan, sugatan sa sunog sa Cebu City; 50 bahay, apektado

Nasa 50 kabahayan sa isang residential area ang tinupok ng apoy sa Cebu City, Linggo ng umaga.

Ayon kay Cebu City Fire Marshall Noel Ababon, sugatan ang magpinsan na sina Christian Jade Solonia, 18-anyos, at Renedith Solonia, 20-anyos, sa sunog sa bahagi ng Sitio Tabukanal sa Barangay Pardo.

Ani Ababon, tumakbo ang magpinsan papunta sa nasusunog na bahay sa para isalba ang kanilang kagamitan.

Agad namang dinala ang mga sugatan sa Cebu City Medical Center dahil sa tinamong second degree burns.

Nagsimula ang sunog mula sa bahay ng isang Mario Tabura dakong 8:59 ng umaga.

Mabilis kumalat ang sunog sa mga kalapit-bahay dahil gawa ang mga ito sa light materials.

Naging mahirap din sa mga bumbero ang pag-apula sa apoy dahil sa makitid na daan sa lugar.

Itinaas pa sa ikatlong alarma ang sunog bandang 9:15 ng umaga bago tuluyang idineklarang fire out dakong 10:09 ng umaga,

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang naging sanhi ng sunog sa lugar.

Read more...