Heart relic ni St. Camillus, nasa bansa na
Dumating na sa bansa ang incorrupt heart ni St. Camillus, patron ng mga may sakit, doktor at nars.
Sakay ng eroplano ng Qatar Airways, ang relic ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-4:00 ng hapon ng Sabado.
Nagsagawa ng welcome rites at veneration sa VIP Lounge ng Terminal 3 kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) na masilayan ang relic.
Matapos ito ay dinala na ang relic sa Our Lady of La Paz Parish sa Makati City kung saan sinalubong ito ng daan-daang deboto.
May pagkakataon ang mga Katoliko na pagpitaganan ang relic hanggang sa March 31.
Ililibot ito sa iba’t ibang mga parokya sa buong bansa at maging sa mga key hospitals sa Metro Manila.
Una nang dumating sa bansa ang heart relic ng santo noong 2016.
Si St. Camillus ay isang pari at miracle worker na gumamot at nag-alaga sa mga may sakit.
Itinatag niya ang Ministers of the Sick o ang Camillians, isang religious congregation na ang layon ay pangalagaan ang mga may karamdaman.
Makikita ang schedule ng paglibot ng heart relic sa Facebook page ng The Camillians at sa Twitter page ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.