Determinado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatala sa National Bureau of Investigations (NBI) ang pangalan ng mga pasaway na jaywalkers.
Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na sa ganitong paraan lamang maipatutupad ang tunay na pagdidisplina sa mga hindi sumusunod sa alituntunin sa pagtawid sa tamang mga daan.
Sinang-ayunan na rin ng Metro Manila Council ang nasabing panukala ng MMDA.
Ipinaliwanag ni Garcia na malaking abala sa pagkuha ng NBI record ng isang inbiduwal kung siya ay may “hit” sa NBI.
Kasama rin sa mga isusumiteng pangalan sa premier investigating body ng bansa ang listahan ng mga nabigyan ng jaywalking citation ticket pero hindi naman nagbayad o kaya ay sumailalim sa itinakdang community service.
Sa kasalukuyan ay P500 lamang ang multa sa jaywalking maliban pa sa tatlong oras ng community service depende sa kung ilang beses lumabag ang isang jaywalker.
Ayon sa MMDA, mula noong January 4 hanggang 17 ay umaabot na sa 2,874 cases ng jaywalking ang kanilang naitala.