Kinumpirma ng militar na limang sundalo ang patay sa pinaka-bagong bakbakan na naganap sa bayan ng Patikul sa lalawigan ng Sulu.
Sinabi ni Joint Task Force Sulu Spokesman Lt. Col. Gerald Monfort na tatlong teroristang miyembro ng Abu Sayyaf rin ang napatay kabilang ang isang foreigner.
Bukod sa mga namatay ay marami rin ang sugatan sa miyembro ng ASG kabilang na si Abu Sayyaf leader Indang Susukan na naputulan rin ng kamay ayon sa ulat ng AFP.
Sinabi Monfort na tuloy ang “all-out-war” campaign sa lugar na pinagtataguan ng mga ASG members base na rin sa naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Puspusan rin ang pagtulong ng militar sa mga sibilyan na nagsisilikas sa lugar sa takot na baka sila maipit sa kaguluhan.
Noong Martes pa sinimulan ang militar ang air strikes at ground assault laban sa mga terorista bilang bahagi ng paghabol sa mga may kagagawan sa serye ng pagsabog sa Jolo, Sulu na nagresulta sa kamatayan ng 22 katao at pagkasugat ng maraming iba pa.