Pagboto pananagutan sa Diyos at sa bayan – Abp. Villegas
Hindi lamang pananagutang makabayan ang eleksyon kundi pananagutan ding maka-Diyos.
Ito ang iginiit ni Lingayen Archbishop Socrates Villegas sa isang video message para sa mga Filipino kaugnay ng paparating na May 2019 midterm elections.
Ayon kay Villegas, ang mga Filipino ay dapat manalangin para malinawan sa kung sino ang karapat-dapat na ihalal sa mga posisyon sa gobyerno.
Isa sa mga dapat umanong maging pamantayan ng mga mamamayan sa pagboto ay ang Sampung Utos ng Diyos.
Sa paghahalimbawa sa Unang Utos sinabi ng arsobispo na hindi dapat iboto ang mga kandidatong hindi naniniwala sa Diyos dahil likas sa mga Filipino ang pagiging maka-Diyos.
‘I am the Lord your God, you shall not have strange Gods before me. Huwag po tayong bumoto sa isang taong hindi naniniwala sa Diyos. Huwag po tayong bumoto sa isang tao na nagsabing ang kanyang misyon ay alisin ang relihiyon sa balat ng lupa sapagkat ang taong ito ay hindi tunay na Filipino sapagkat likas sa mga Filipino ang pagiging maka-Diyos,” ani Villegas.
Sa pagboto maipapakita ang pagkatao ng bawat isa ani Villegas.
“Brothers and sisters in Christ, when you vote you will reveal who you are. If you vote good, if you vote well, if you vote according to your conscience, you are good, you are another Christ, you are a faithful disciple of Christ,” dagdag ng arsobispo.
Hinimok ni Villegas ang bawat botanteng Filipino na huwag ipagbili ang kanilang mga boto at huwag pababain ang kanilang karangalan dahil ang pagboto ay pananagutan sa bayan at sa Diyos.
“Kung ikaw ay boboto kapalit ng limandaan, isanlibo, dalawanglibo o isang supot ng grocery, mga minamahal kong kapatid, napakamura naman natin. Huwag nating pababain ang ating karangalan. Vote good, vote holy, vote like Jesus. Ito ang kailangan ng ating bayan. Pananagutan natin ito sa ating bayan, sagutin natin ito sa Diyos.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.