Mga guro na magsisilbi sa midterm elections hindi mababayaran sa re-enacted budget
Kapag re-enacted na budget ang gagamitin ngayong taon, walang maipapambayad ang Comelec sa mga guro na magsisilbi sa halalan sa darating na Mayo.
Ito ang sinabi ni Director James Jimenez, ang tagapagsalita ng Comelec, at ito aniya ang magiging epekto kung ang magiging budget ngayon taon ay katulad lang noong 2018.
Pagdidiin nito, hindi lahat ng budgetary requirements para sa pagdaraos ng midterm elections ay nakasama sa kanilang budget noong nakaraang taon, kabilang na ang honoraria sa mga magsisilbi sa halalan.
Aniya hindi simple ang pagsisilbi sa halalan at nararapat lang na mabigyan ng kompensasyon ang mga magsisilbing guro.
Una nang inihayag ni Senate President Tito Sotto III na re-enacted budget na lang ang paganahin ngayon taon dahil sa kaliwat kanan na mga alegasyon na nagpapatagal para mailusot ang pambansang pondo.
Sinabi naman ni Senator Ping Lacson na may ‘savings’ ang comelec sa kanilang 2018 budget at maari itong magamit sa papalapit na halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.