Makaaasa ang mga manggagawa ng Hanjin Heavy Industries na maaapektuhan ng rehabilitasyon ng kumpanya na magiging pangunahing prayoridad ang kanilang re-employment sa bansa.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pahayag sa isang dayalogo sa mga manggagawa at kanilang unyon kasabay rin ng paghahayag niya ng kumpiyansa na agad rin silang matatanggap sa mga lokal na kumpanya dahil sa kanilang kasanayan at abilidad.
Lumalabas sa ulat ni DOLE Regional Office 3 Regional Director Ma. Zenaida Campita na karamihan sa mga manggagawa ng Hanjin ay highly skilled construction worker at mga welder, habang ang kanilang average age ay mula sa 25 hanggang 40 taong gulang.
Sinabi rin ng kalihim, na nakatakda siyang makipagpulong sa mga Cabinet secretary upang pag-usapan ang mga posibleng trabahong maaaring maialok sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho.
Kasabay ng pagbabawas sa kanilang mga work schedule, inaasahang magtatapos na ang kontrata ng mga natirang 3,800 manggagawa ng Hanjin sa darating na Pebrero 15, 2019.