2 DTI official, inireklamo dahil sa pagkabigong maipatupad ang Clean Air Act
Naghain ng kasong Graft and Dereliction of duty sa Ombudsman ang Coalition of Clean Air Advocates of the Philippines o CCAAP laban kina DTI Secretary Gregorio Domingo at Undersecretary Vic Dimagiba.
Nakasaad sa labinlimang pahinang complaint-affidavit ng CCAAP kasama ang iba pang complainant na United Fiipino Consumers and Commuters, Peoples Movement for Democratic Governance, ACTO at iba pang grupo na hindi nagampanan nina Domingo at Dimagiba ang kanilang tungkulin para ipatupad ang mga probisyon ng Clean Air Act of 1999.
Sa panayam ng Radyo Inquirer Kay CCAAP President Herminio Belano Jr., ipinunto nito na dahil sa kapabayaan ng mga naturang DTI officials sa kanilang tungkulin ay lalo pang tumindi ang polusyon sa hangin na idinudulot ng mga sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok.
Maliban dito, sinabi ni Belano na dati na ring naghabla ang kanilang grupo ng kahalintulad na kaso laban naman sa mga opisyal ng Land Transportation Office.
Katwiran ni Belano na tungkulin na DTI na siguruhing hindi lumalabag sa Clean Air Act ang mga transport group dahil sila ang isa sa mga pangunahing ahensiya na nagbibigay ng pahintulot para makapamasada ang mga pampublikong transportasyon. – Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.