Presyo ng LPG tumaas simula kaninang hatinggabi
Nagpatupad na ang ilang kumpanya ng liquefied petroleum gas (LPG) ng taas-presyo sa kanilang mga produkto simula kaninang hatinggabi.
Sa abiso ng Petron, pagpatak pa lamang ng alas-12:01 ng madaling araw ay mayroon nang dagdag na P3.88 sa kada kilo ng kanilang cooking gas.
May taas-presyo rin ang Petron na P2.17 sa kada litro ng kanilang auto-LPG.
Simula naman alas-6:00 mamayang umaga ay ipatutupad ng Solane ang kanilang dagdag-presyo.
Tataas ng P3.41 kada kilo ang presyo ng LPG ng naturang kumpanya.
Ang taas-presyo sa LPG ay dahil sa pagtaas ng presyo sa world market.
Samantala, batay sa unang tatlong araw ng trading, posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa Jetti Petroleum, nasa P0.45 hanggang P0.50 kada litro na ang ibinaba ng presyo ng diesel habang P0.75 hanggang P0.80 naman sa gasolina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.