37% ng mga Filipino naniniwalang gumanda ang kalidad ng kanilang buhay – SWS
Naniniwala ang mas maraming Filipino na gumanda ang kalidad ng kanilang buhay ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey na isinagawa noong December 16 hanggang 19, 2018, 37 percent ang ‘gainers’ o nagsabi na bumuti ang kanilang buhay sa nakalipas na taon habang 25 percent naman ang ‘losers’ o nagsabing sumama ang kanilang buhay.
Nagbigay ito ng net gainer score na +12 na nasa klasipikasyong ‘very high’ ng SWS.
Ang net score na ito ay mas mataas mula sa -2 o ‘fair’ at +5 na ‘high’, na naitala noong Setyembre at Hunyo noong nakaraang taon.
Samantala, 45 percent naman ng mga Filipino ang umaasa na gaganda ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan o ang tinatawag na mga ‘optimists’.
Five percent naman ang ‘pessimists’ o naniniwalang sasama ang kanilang buhay.
Nagbigay ito ng net personal optimist score na +40 na nasa klasipikasyong ‘excellent’ at mas mataas ng 13 puntos mula sa +27 o ‘high’ noong Setyembre.
Samantala, ayon pa sa SWS, 43 percent ng mga Filipino ang positibo ang pananaw na gaganda pa ang ekonomiya ng Pilipinas habang 11 percent ang nagsabing sasama ito.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,440 adults sa bansa at ito ay non-commissioned.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.