Binati ni Pope Francis sa pamamagitan ng isang video message ang mga mamamayan ng United Arab Emirates (UAE) ilang araw bago ang kanyang pagbisita sa naturang Arab state.
Nakatakdang tumungo si Pope Francis sa Abu Dhabi mula February 3 hanggang 5 upang makiisa sa isang interreligious meeting at pamunuan ang isang Banal na Misa.
Sa kanyang video message, inihayag ng Santo Papa ang kagalakan sa pagbisita sa UAE.
Pinapurihan ni Pope Francis ang pagsusumikap ng UAE na maging modelo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pinanggalingan at kultura.
Ayon kay Pope Francis, maraming mamamayan ang itinuturing ang UAE na ligtas na lugar para pagtrabahuan at makapamuhay sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Nagpasalamat ang lider ng Simbahang Katolika kay Abu Dhabi Crown Prince Sheikh Mohammed bin Zayed bin Sultan Al Nahyan sa pag-imbita sa kanya sa interreligious meeting.
Inaasahang higit 140,000 katao ang dadalo sa misa ni Pope Francis sa Zayed Sports City.
Higit-kumulang 700 foreign journalists mula sa 30 bansa ang pinayagan ng National Media Council (NMC) na i-cover ang makasaysayang pagbisita ng Santo Papa sa UAE.