Nais ni Sulu caretaker at PBA Partylist Rep. Jericho Nograles na magsagawa ng DNA testing ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa dalawang narecover na ulo mula sa blast site ng Jolo twin bombings.
Kasunod ito ng pahayag ng pangulo na ang pagsabog ay posibleng gawa ng suicide bombers.
Posible ayon kay Nograles na dayuhan ang mga nasabing indibidwal at mapapatunayan lang ito sa pamamagitan ng DNA testing.
Kung mapapatunayan dayuhan ang mga ito, kinakailangan aniyang kumilos ang Bureau of Immigration (BI), coast guard at navy na gawin ang lahat para masigurong hindi makapasok sa bansa ang mga nais maghasik ng kaguluhan sa pamamagitan ng backdoor.
Sinabi ni Nograles na batay sa natanggap nilang impormasyon, 5 buwan na ang nakalilipas mula ng magkaron ng banta sa simbahan ng Jolo.
Ito din aniya ang ilan sa dahilan kung bakit suportado ng mga taga Sulu ang martial law sa Mindanao.