Mga establisyimento sa Brussels, Belgium ipinasara dahil sa banta ng terorismo
Inilagay sa maximum security alert ang capital ng bansang Belgium na Brussels dahil sa posibleng mapanganib na banta ng terror attack matapos ang marahas at madugong pag-atake sa Paris.
Idineklara ang pinakamataas na security alert sa Brussels matapos ang isinagawang pulong ng mga top minister, pulis at security services sa naturang lugar.
Kasabay nito, sarado ang mga establisyimento sa Brussels kabilang na ang mga museum at sinehan maging ang subway at kinansela na ang mga nakatakdang football at soccer match.
Inabisuhan ng Brussels’ crisis centre ang publiko na iwasan muna ang mga lugar na maraming tao katulad na lamang ng mga shopping center, concert hall, sport events at public transport hub.
Hindi naman na nagbigay ng iba pang impormasyon ang crisis centre kung bakit inilagay sa pinakamataas na security alert ang kanilang lugar.
Ang Belgium ay nasa gitna na ng imbestigasyon sa pag-atake ng mga terorista sa Paris matapos mabatid na dalawa sa suicide bombers ay nakatira sa nasabing bansa.
Tatlo sa pinaghihinalaang suspek sa naturang pag-atake ay nasa kustodiya na ng Brussels at nahaharap sa terrorism charges.
Kasunod ng security alert, nagpakalat na ng mga sundalo ang sa iba’t ibang lugar sa Brussels na magbabantay sa seguridad ng publiko.
Matatandaang huling itinaas sa maximum security alert ang Brussels noong May 2014 nang masawi ang apat na katao matapos pagbabarilin ng isang gunman sa isang Museum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.