Nakumpiska mula sa isang fast food employee sa Cebu City ang tinatayang P9 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Nagkasa ng buy bust operation ang mga awtoridad mismong sa inuupahang bahay ng suspek na si Leonorman Tabao sa Sitio Nazaren, Barangay Tinago.
Ayon kay Waterfront Police chief Sr./Insp. Joemar Pomarejos, itinuturing na high-value target si Tabao.
Dalawang linggo na anyang sumasailalim ang suspek sa kanilang surveillance.
Nakuha mula kay Tabao ang nasa 1.45 kilos ng shabu.
Ayon kay Pomajeros, patuloy nilang iniimbestigahan ang umano’y pinagkukunan ni Tabao ng droga.
Iginiit kasi ng suspek na hindi kanya ang shabu at inutusan lamang siya ng kanyang kaibigan na kinilala lamang sa pangalang ‘Jude’ na bantayan ang mga ito.
Ayon kay Tabao, hindi siya sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot.