Suspek sa ikalawang pagsabog sa Jolo Cathedral posibleng suicide bomber – Sec. Lorenzana

By Rhommel Balasbas January 30, 2019 - 03:41 AM

Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng suicide bomb attack ang naganap na ikalawang pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral noong Linggo.

Matatandaang dalawang pagsabog ang yumanig sa Cathedral kung saan ang ikalawa ay sa parking area.

Ayon kay Lorenzana, ang suicide bombing ay posible dahil sa nagkalat na bahagi ng mga katawan ng tao kabilang ang kalahating mukha, leeg at dalawang paa.

Ang pagkakakilanlan anya ng tao na may hiwa-hiwalay na bahagi ng katawan ay nananatiling misteryo at patuloy na iniimbestigahan ng PNP-SOCO.

Ang pahayag ng kalihim ng DND ay matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na suicide bombers ang nasa likod ng twin blasts.

Nauna nang pinabulaanan ng militar ang posibilidad ng suicide bombing at itinuro ang Ajang-Ajang group sa likod ng pag-atake.

Nakilala pa ng militar ang mga suspek base sa inilabas na CCTV footage malapit sa Cathedral.

Hindi bababa sa 20 ang nasawi at higit 100 ang nasugatan sa pag-atake.

TAGS: department of national defense, Jolo twin blasts, Sec. Delfin Lorenzana, suicide bomber, department of national defense, Jolo twin blasts, Sec. Delfin Lorenzana, suicide bomber

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.