Duterte: Mag-asawang Indonesian na suicide bomber nasa likod ng pagsabog sa Jolo, Sulu

Westmincom photo

Mag-asawang suicide bomber ang nagpasabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Ayon sa pangulo, base sa briefing na ibinigay ng militar sa kanya, babaeng suicide bomber ang responsible sa pagpapasabog sa loob ng simbahan habang ang kanyang mister ang nagpasabog sa parking lot.

Ipinaliwanag ni Duterte na base sa inisyal na impormasyon mula sa intelligence people, mga Indonesian ang mag-asawang suicide bomber.

Pero ayon sa pangulo, hindi niya ito masigurado dahil sabog ang katawan ng mga suicide bomber.

Wala aniyang duda na suicide bomber ang nagpasabog sa mount carmel.

Hindi naman aniya maaring kapkapan ng military ang babaeng suicide bomber dahil nagpanggap itong nagsisimba at may nakasuot pang malaking krus sa dibdib.

Paliwanag pa ng pangulo, mayroon nang namonitor na banta ang pamahalaan sa bayan ng Jolo kung kaya noon pang Disyembre ng nakaraang taon ay nagpadala na siya ng isang dibisyon ng mga sundalo sa lugar.

Naniniwala naman ang pangulo na wala siyang nakikitang security lapses sa hanay ng mga otoridad.

Read more...