Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukala para gawing legal ang paggamit ng medical marijuana.
Sa botong 163 na Yes, 5 na No at 3 na abstention inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 6517.
Kapag naging batas ang panukala magtatayo ng Medical Cannabis Compassionate Centers sa ilalim ng Department of Health kung saan maaaring makabili ng marijuana ang mga kuwalipikadong pasyente na bibigyan ng identification card.
Kailangan ng isang pasyente na may patunay mula sa isang doctor na may malubhang karamdaman na nangangailangan ng marijuana sa gamutan bago ito mabigyan ng ID at makabili nito.
Magtatayo rin ng Medical Cannabis Research and Safety Compliance Facilities.
Ang DOH ang pangunahing ahensiya na mangangasiwa sa pamamahagi ng medical cannabis, katuwang ang Food and Drug Administration.
Ipinauubaya naman ng panukala sa PDEA ang pagbabantay at pagtiyak na tama ang pagbibigay ng medical marijuana sa mga pagamutan.
Sina Isabela Rep. Rodito Albano at House Speaker Gloria Macapagal- Arroyo ang mga pangunahing may-akda sa panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.