BI naka-heightened alert laban sa mga dayuhang terorista kasunod ng pagsabog sa Jolo
Isinailalim ng Bureau of Immigration sa heightened alert ang mga personnel nila sa lahat ng international airport at seaport sa buong bansa.
Ito ay para mapigilan ang posibilidad ng pagpasok sa bansa ng foreign terrorists matapos ang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente inatasan na niya ang lahat ng immigration officers na doblehin ang pagbabantay lalo na ang pagsasagawa ng screening ng mga dayuhang dumarating sa bansa.
Kailangan aniyang tiyaking lehitimo ang kanilang dahilan ng pagpunta sa Pilipinas.
Mahigpit ding ibinilin ni Morente na kung ang immigration officer ay hindi kuntento sa dahilan ng pagdating sa bansa ng mga dayuhan ay ‘wag silang basta papasukin.
Dagdag pa ni Morente, kahit wala pang kumpirmasyon mula sa otoridad ang pag-amin ng grupong ISIS na sila ang nasa likod ng pagsabog ay dapat maging mahigpit na sa mga pumapasok na dayuhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.