Suspek sa pagpapasabog sa Jolo cathedral, kita sa CCTV

By Len Montaño January 28, 2019 - 04:46 PM

Nakuhanan ng CCTV footage ang suspek sa magkasunod na pagpapasabog sa simbahan sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 20 katao at ikinasugat ng halos 100 iba pa.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang naturang suspek.

Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director Oscar Albayalde na tinutugis din ng mga imbestigador ang isang grupo na nasa likod ng pagpapasabog, base sa impormasyon na natanggap nito mula sa provincial director ng Sulu.

Mayroon anyang ilang threat groups sa lalawigan kaya tiyak ni Albayalde na hindi nagtrabahong mag-isa ang suspek.

Dagdag ni Albayalde, malaki ang ginamit na pampasabog dahil umabot ng ilang talampakan ang shrapnel ng mga bomba mula sa lugar ng pinagsabugan.

Maaari anyang pinasabog ang bomba mula sa cellphone batay sa timing ng pagsabog.

Ang unang pagsabog sa Cathedral of Our Lady of Mount Carmel ay dakong 8:58, Linggo ng umaga na sinundan ng isa pa makalipas ang 12 hanggang 15 segundo.

Tinitingnan din anya ng mga imbestigador ang posibleng kapabayaan ng militar at pulisya sa pag-secure sa lugar bago ang pagsabog.

TAGS: Cathedral of Our Lady of Mount Carmel, CCTV footage, Jolo, Sulu, suspek, Cathedral of Our Lady of Mount Carmel, CCTV footage, Jolo, Sulu, suspek

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.