Nasawi sa Jolo twin blasts, hindi bababa sa 20; higit 100 sugatan

Umabot na sa 25 ang bilang ng nasasawi sa magkasunod na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral ayon kay Jolo Mayor Kherkar Tan.

Sa pinakahuling ulat naman ng Police Regional Office – ARMM, 20 ang nasawi habang 111 ang sugatan.

Taliwas ito sa unang bilang na 27 na mali umano dahil sa double counting.

Ayon sa PRO 9, ang mga nasawi sa pagsabog ay limang sundalo, isang miyembro ng Philippine Coast Guard at 14 na sibilyan.

Siyamnapung sibilyan, 17 military personnel, dalawang police officers at dalawang miyembro naman ng coast guard ang nasugatan.

Naganap ang unang pagsabog sa loob ng Katedral habang idinaraos ang Banal na Misa habang ang isa pang pagsabog ay naganap sa parking area.

Ang mga pagsabog ay naganap ilang araw lamang matapos ang plebisito sa Bangsamoro Organic Law na niratipikahan na ng Commission on Elections (Comelec).

Ang Sulu ay bumoto ng ‘no’ sa BOL na layong palitan ang kasalukuyang rehiyon tungong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o (BARMM).

Ang pinaghihinalaang nasa likod ng mga pagsabog ay ang Ajang-Ajang group, isang unit ng bandidong Abu Sayyaf group.

Read more...