BOL, hindi solusyon sa kaguluhan sa Mindanao – Enrile

Kuha ni Chris Osera

Matapos maratipikahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL), inihayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na posibleng hindi ito ang solusyon sa kaguluhan sa Mindanao.

Sa isang press conference sa Maynila, base sa nakikitang problema ng Islam hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong mundo, sinabi ni Enrile na walang itong “complete unity.”

Aniya, ang tanging bagay na nakapag-uugnay lamang sa kanila ay ang Islamism.

Ngunit, igniit ni Enrile na mismong ang naturang elemento ay watak-watak dahil sa kabi-kabilang gulo sa buong mundo.

Dagdag pa nito, base sa resulta ng plebisito ng BOL, ang hindi pagpabor ng ilang lalawigan tulad ng Sulu at Isabela City sa Basilan ay sumasalamin sa “disunity” o hindi pagkakaisa sa lugar.

Dahil dito, sinabi ni Enrile na maari itong makaapekto sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Gayunman, umaasa pa rin aniya siya na maisasakatuparan ng BOL ang layunin nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Tulad ng mga Pilipino, na makahanap ng paraan sa ikapapayapa ng Mindanao region para mamuhay nang maayos at umunlad ang buhay.

Read more...