Patay pagsabog sa simbahan sa Jolo, Sulu umakyat na sa 19
Umakyat na sa 19 na katao ang kumpirmadong nasawi sa pagpapasabog sa loob at labas ng Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu Linggo ng umaga ng Enero 27, 2019.
Mahigit 70 naman ang sugatan sa kambal na pagsabog na naganap 8:15 ng umaga.
Mariin namang kinondena ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang insidente at kaagad na iniutos ang malalimang imbestigasyon.
Hindi naman masabi ng hepe ng pambansang pulisya kung may kaugnayan ang pagpapasabog sa katatapos lamang na plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) at pagratipika sa nasabing batas.
Sabi ni Albayalde na karamihan sa casualties ay mula sa tropa ng pamahalaan.
Nagdadalamhati naman ang PNP sa pagkamatay ng ilang sundalo sa nangyaring pagsabog.
Samantala, sa panig naman ng Western Mindanao Command, sinabi ni Wesmincom spokesperson Col. Gerry Besana, batay sa kanilang datos 20 sibilyan ang sugatan habang 15 sa panig ng mga sundalo na nagresponde sa unang pagsabog.
Sinabi ni Besana na limang sundalo mula sa 35th Infantry Battalion ang nasawi at dalawang sibilyan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang pangangalap ng impormasyon ng Wesmincom kung may mga biktima pang naisugod sa iba pang pagamutan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.