P12M halaga ng shabu na nakasilid sa wafer cans nasabat ng Customs sa Port of Clark

Courtesy of BOC Port of Clark

Nakumpiska ng Bureau of Customs sa Port of Clark ang nasa dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon.

Ang shabu ay nakalagay sa apat na lata ng imported wafers na “Pepperidge Farm Pirouette” na mula sa Nevada, USA.

Idineklara ang shipments bilang candy at mga damit pangbata.

Dahil sa direktiba na isailalim sa masusing screening ang mga shipments dahil sa pagkakadiskubre ng mga shabu na isinisilid sa mga de lata, minarkahan ang kontrabando para mainspeksyon.

Sa pamamagitan ng x-ray examination, K9 at physical inspections, natagpuan ang mga iligal na droga na nakumpirmang shabu.

Nai-turn over na sa Philippine Drug Enforcement Agency ang milyun-milyong halaga ng shabu.

Isang suspek ang naaresto na hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan.

Ang BOC- Port of Clark ay nakakakumpiska na ng P153 milyong halaga ng shabu sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Read more...