Pagbaba ng age of criminal responsibility sa 12 anyos, irerekomenda ng Senate panel

Irerekomenda ng Senado na ibaba sa 12 anyos mula sa 15 anyos ang age of criminal responsibility.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairperson ng Senate committee on justice, tinapos na nila ngayong Biyernes ang pagdinig sa panukalang ibaba ang edad ng pananagutan ng batang lumabag sa batas.

Dahil dito ay irerekomenda na ng komite na ibaba sa 12 anyos ang age of criminal responsibility sa dahilan na hindi pa gaanong maunlad ang Pilipinas.

Binanggit ng Senador ang ibang bansa na mababa ang edad ng pananagutan ng nagkasalang bata gaya sa England na nasa 8 anyos habang 7 anyos sa Singapore.

Wala anyang global consensus at mababa ang edad sa lahat ng developed countries kaya bakit umano magmamagaling ang Pilipinas para lang sabihin na sikat ang bansa.

Iginiit ni Gordon na ang mahalaga ay ang mga amyenda sa umiiral na batas at hindi ang edad.

Ayon pa sa Senador, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba ang edad sa 9 anyos pero hindi raw siya sunud-sunuran at edad 12 anyos ang kanyang irerekomenda.

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang parehong panukala na ibaba ang age of criminal responsibility sa 12 anyos mula sa orihinal na panukalang 9 anyos.

Read more...