Plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na bigyan na rin ng fuel subsidy card ang mga mangingisda.
Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na ito ay para maibaba ang gastusin sa pangingisda.
Ayon kay Lopez naisip nila ang ideya sa pakikipag-usap nila sa mga gumagawa ng sardinas.
Aniya hindi sila napagbigyan sa kanilang hirit na ibaba ang presyo ng sardinas dahil sa mahal pa rin ang isdang tamban, na karaniwang ginagamit sa paggawa ng sardinas.
Kung mabibigyan ng diskuwento sa mga produktong petrolyo ang mga mangingisda ay maaring bumaba na ang presyo ng sardinas.
Binanggit pa nito ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng dagdag buwis.
Kabilang ang sardinas sa mga pangunahing bilihin na may suggested retail price (SRP).