Ilagan, Isabela – Ipinamalas ng mga taga Isabela ang kanilang galing sa pagluluto sa isa sa ipinagmamalaking produkto ng lalawigan, ang longganisa.
Sa ginanap na “Makan ken Mainum ti Isabela” competion, idinaos ang paligsahan sa pagluluto ng longganisa at paggawa ng masarap na inumin ang iba’t-ibang bayan at lungsod ng Isabela kasabay ng Bambanti Festival.
Ayon sa tinaguriang Isabela master kusinero at maybahay ni Isabela Gov. Faustino “Bojie” Dy na si Mary Ann Arcega-Dy, Committer Chairperson ng kompetisyon, 28 bayan at lungsod ang lumahok sa patimpalak.
Gumawa ang mga ito ng iba’t ibang putahe o luto ng longganisa at maiinum na matatagpuan sa lalawigan.
Sabi ni Arcega-Dy, “so nag come up kami sa longganisa contest kasi halos lahat ng mga kaibigan namin from manila at ibang provinces laging tinatanong asan ba…may mga longganisa ba kayong masarap dito?”
Sinabi nito na kapag sinabing Iongganisang Isabela ang pinag-usapan ay isa lamang ang pumapasok sa isip ng mg tao kaya naisipan din na maghanap pa ng masasarap na gumawa nito.
Ani pa nito, “ang Aling Belen’s longganisa from Cauayan ang famous talaga. Pero hindi lang syempre isa. Alam ko na ang mga taga Isabela maraming magagaling mas lalo na sa pagluluto kaya ang sabi ko dapat maka discover ako ng longganisa maker na talagang Isabelang-Isabela.”
Bukod pa anya sa makatuklas ng bagong recipe ng longganisa ang isa rin sa layunin nito ay mabigyan ng karagdagang trabaho ang mga taga Isabela.
Naranasan din anya niyang nagturo ng paggawa ng longganisa at nakita nito ang malaking tulong na naibibigay lalo na sa mga kababaihan.
Sa nasabing kompetisyon may gumawa ng pizza na may longganisa, skinless buko garlic longganisa at iba pa.
Mismong si Governor Dy naman ay umikot sa mga kalahok upang tingnan ang ginagawa ng mga itong preparasyon.
Inalam din nito kung anong mga luto ng longganisa ang gagawin ng kanyang mga kababayan.
Ito na ang ikatlong taon na nagkaroon ng Makan ken Mainum cooking competition sa lalawigan ng Isabela kung saan ang unang pinagtagisan at ang inabraw o at noong isang taon ay ang pagluluto naman ng kambing.