Ayon sa US-based nurse na si Cristina Gotoc, ang kapatid nitong si Dr. Kendrick G. Gotoc ay nakatakdang sumama sa kanya sa Amerika.
Pero noong nakaraang taon ay nabalitaan ni Gotoc na nanghihina ang kanyang kapatid na doktor matapos mabigyan ng naturang bakuna sa dengue.
Humingi umano ng tulong sa DOH ang pamilya ng government doctor pero wala raw panahon sa kanila ang ahensya.
Kasama ang Public Attorneys’ Office (PAO), dumulog ang pamilya sa Department of Justice (DOJ) para maghain ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa Anti-Torture Act and Consumer Act laban kay dating Health Secretary Janette Garin at kasalukuyang DOH Sec. Francisco Duque III dahil sa panahon nito namatay ang doktor.
Kasama sa reklamo ang iba pang opisyal ng DOH at mga executives ng Dengvaxia manufacturer na Sanofi Pasteur at distributor na Zuellig Pharma.
Pumanaw si Dr. Gotoc noong April 22, 2018 matapos makatanggap ng 3 dose ng Dengvaxia.
Base sa forensic gross examination ng PAO Forensic Laboratory, nagkaroon ang doktor ng multi-organ dysfunction at hemorrhage.
Ito na ang ika-31 kaso na inihain sa DOJ kaugany ng kontrobersyal na Dengvaxia.