Mga broker at importer sinisi sa patuloy na kurapsyon sa BOC
Inamin ni Customs Commissioner Leonardo Guerrero na hindi pa rin tuluyang nawawala ang tinatawag na “Tara” system sa kawanihan.
Bagamat ipinagmalaki nito na nagkaroon na ng improvement sa kampanya kontra sa katiwalian simula nang maupo siya sa pwesto noong October 2018, mayroon pa rin anyang mga tiwali sa BOC.
Kung dati anya ay umaabot sa P35,000 ang kotongan o ang tara sa bawat pumapasok na container sa mga pier sa bansa…naibaba na anya ito sa P5,000 na lang.
May mga sinampahan na anya sila ng mga kasong administratibo para matanggal sa trabaho pero dahil may sinusundang proseso ay natatagalan ito.
Aminado si Guerrero na mahirap at challenging ang trababo sa Customs lalo’t kung kurapsyon ang kalaban.
Sinabi pa nito na nakakadagdag sa problema ng kurapsyon ay ilan mismong mga brokers at importers na nagpapadulas at nanunuhol sa mga tauhan ng BOC para mapabilis ang transaksyon ng kanilang mga shipment.
Personal anya niyang nakita ang quotation ng mga brokers na nagsasaad kung magkano na ang lagayan sa ngayon para sa facilitation ng kanilang dokumento sa BOC.
Sa ngayon mayroon pa rin anyang mga tauhan ng Presidential Security Group at Armed Forces of the Philippines ang naka-stanby sa ilang mga pantalan para tumulong sa trabaho sa Kawanihan.
Itinanggi rin ni Guerrero na umiiwas siya sa media kundi nag-iingat lamang sa kanyang mga galaw dahil hindi lang anya mga tagalabas ang kalaban kundi mismong mga sindikato sa loob ng kanilang tanggapan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.