Aabot sa 1.5 million pesos na halaga ng shabu ang nasabat ng mga otoridad mula sa tatlong drug suspects sa Donya Remedios Trinidad sa Bulacan.
Naharang sa checkpoint sa Barangay Pulong Sampalok ang Mitsubishi Lancer sakay ang mga suspek na sina Joselito Isidro, 30, Florinda Alipio, 46, at Jerome Jay Nino Maguisa Silverio, 26.
Pinara umano ng mga pulis at sundalo sa checkpoint ang sasakyan nang makitang walang suot na pang-itaas si Isidro na siyang nagmamaneho ng sasakyan.
Unang nakita ang isang Ingram Machine Pistol sa driver’s seat dahilan para busisiin na ng mga otoridad ang sasakyan.
Doon na nakita ang bag na naglalaman ng mga plastic sachet ng shabu at isang caliber 9mm na handgun.
Kasong may kaugnayan sa possession and transport of illegal narcotics at pagdadala ng armas sa kasagsagan ng gun ban ang isasampa sa tatlong suspek.