Dead on arrival sa ospital ang isang driver ng habal-habal habang sugatan naman ang dalawang iba pa sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Fatima, General Santos City, Martes ng gabi (January 22).
Nakilala ang nasawi na si Harry Nopal na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Habang sugatan naman ang pasahero na siLoujane Pojas, at driver ng nakabanggaang motor na si Javier Ebrahim, 19 taong gulang.
Ayon kay PO1 Zaldy Bacud ng Traffic Management Unit, tumawid umano ang motorsiklo ni Nopal para ihatid ang kaniyang pasahero.
Sakto namang dumadaan si Ebrahim sakay ng kanyang motorsiklo kaya nabangga nito si Nopal.
Nakaladkad pa ni Ebrahim ang motorsiklo ni Nopal ng 10 metro dahil sa lakas ng impact.
Maayos naman na ang lagay ng dalawang nasugatan.