Inindorso ni Senator Joel Villanueva ang Senate Bill No. 1571 o ang Alternative Working Arrangement bill para talakayin sa plenaryo.
Matapos ang deliberasyon at panukalang amyenda, pagbobotohan ng mga senador ang pag-apruba sa bill sa ikalawa at ikatlo at pinal na pagbasa.
Naniniwala si Villanueva, chairperson ng Senate committee on labor, na ang flexible working arrangement ay hindi lamang “fad” kundi isang pangangailangan.
Layon aniya ng panukala na amyendahan ang Article 83 ng Labor Code na naglilimita sa normal working hours sa walong oras kada araw sa loob ng limang araw.
Ang bill aniya ang magbibigay-daan sa mga empleyado at employers na magkaroon ng flexible working hours na parehong epektibo at pakikinabangan ng dalawang panig.
Sa ilalim ng panukala, hindi lalampas sa 48 oras kada linggo ang alternatibong oras ng trabaho at hindi dapat mabawasan ang umiiral ng mga benepisyo ng empleyado.