Mga pulis na frontliners sa APEC security, pinasalamatan ni PNP Chief Marquez
Masaya si Philippine National Police Chief, Director General Ricardo Marquez sa trabahong ipinakita ng mga maituturing frontliners sa ipinatupad na seguridad para sa katatapos lamang na APEC summit.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Marquez na kahit nahirapan, nainitan at nasaktan, nananatiling mataas ang morale ng mga pulis na nasa lansangan at nagbantay sa kasagsagan ng APEC summit sa bansa.
“High-morale ang mga bata, ang mga pulis na nagbantay sa seguridad, natutuwa ako, despite of the hardship na ma-assign sa frontline, high-morale pa rin sila. I would like to thank everybody na tumulong sa tagumpay na ito,” sinabi ni Marquez.
Nagpasalamat din si Marquez sa tulong ng ilang mamamayan na kusang loob na nagbibigay tulong sa mga pulis na nakatalaga sa mga lansangan.
Ayon kay Marquez marami siyang natanggap na report na may mga taong kusang dinadalhan ng pagkain at nagpapainom ng tubig sa mga pulis na nakatalaga sa mga lansangan.
“Ang ibang pulis naiyak sa tuwa may mga kababayan tayo na pinuntahan sila para bigyan ng tulong,” dagdag pa ni Marquez.
Kasabay nito sinabi ni Marquez na ang ibang pulis na galing pa sa malalayong lugar ay pinayagang manatili pa ng ilang araw dito sa Metro Manila para makapagpahinga naman at makapag-relax matapos ang nakakapagod nilang pagbabantay.
Sinabi ni Marquez na binigyan nila ng ilang araw pa para makapanatili at makapasyal sa Metro Manila ang mga pulis na galing Visayas dahil ang iba sa kanila ang first time lumuwas ng Maynila.
Maliban sa mga pulis, pinasalamatan din ni Marquez ang sambayanan na naapektuhan lalo na ng traffic sa mga pangunahing lansangan.
Ani Marquez ang panandaliang sakripisyo ng publiko ay nasuklian naman ng napakagandang serbisyo ng bansa sa mga delegado ng APEC summit.
Katunayan, dahil sa labis na tuwa at pagiging kuntento sa pagho-host ng Pilipinas sa APEC summit ngayong taon, marami aniya sa mga delegado ang nagpahayag ng kagustuhang bumalik sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.