Publiko pinayuhan ng Malakanyang na maging alerto sa Bagyong Amang
Mahigpit na nakamonitor ang Malakanyang sa Bagyong Amang.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hinihimok ng palasyo ang mga residente lalo na ang mga tatamaan ng bagyo na maging alerto at manatiling nakamonitor sa lagay ng panahon sa mga government stations at social media accounts.
Mas maigi rin ayon kay Panelo na makipag-ugnayan sa mga local na opisyal ng disaster and risk reduction management offices.
Ayon kay Panelo, naka-standby na ngayon ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster.
May nakahanda na aniyang 2,500 na family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakahalaga ng halos P1 milyon at nakaimbak sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Surigao City warehouse.
Base sa advisory ng PAGASA, nagbago ang direksyon ng Bagyong Amang at tinatahak na ngayon ang Samar-Leyte area.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council umabot na sa mahigit 2,600 pamilya o labing isang libong indibidwal ang inilikas sa Albay, Camarines Sur, Masbate, Eastern Samar, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.