Nakahanda anumang oras ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sakaling may magtangkang manggulong grupo o magnais na manabotahe sa pagdaraos ng plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Paliwanag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, bagamat itinuturing ang BOL na susi sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, hindi sila magpapakakampante dahil maaring gamitin ito bilang oportunidad para maghasik ng karahasan.
Tinukoy ni Año na maaring manggulo ang mga komunistang grupo, ilang terrorist at extremist groups at ang mga anti-BOL factions upang pigilan ang mga botante na magtungo sa mga polling precints.
Pagtitiyak ng DILG secretary, nasa 20,384 na pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nakakalat sa lugar para magpanatili ng seguridad sa ARMM at sa mga lungsod sa Isabela at Cotabato.
Sampung libong pulis at sundalo ang magbabantay sa iba’t ibang polling precincts habang nakaabang naman ang pwersa ng PNP Special Action Force at mga pulis galing ng PNP Calabarzon at Central Luzon sakaling mangailangan ng dagdag na puwersa.
Pinaghahanda rin ang mga PNP officers na magsilbing Board of Election Inspectors sa oras na kailanganin ng sitwasyon.