Bahagi ng isang highway sa Compostela Valley, nasira dahil sa landslide
Nasira ang bahagi ng Davao-Butuan highway dahil sa gumuhong lupa sa Monkayo, Compostela Valley.
Nagkaroon ng landslide bunsod ng nararanasang malakas na buhos ng ulan dulot ng Bagyong Amang.
Ayon kay Leslie Francisco, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) Southern Mindanao, rumesponde na ang disaster response teams sa Barangay Pasian para i-assess ang pinsala.
Samantala, sa Purok 6 naman, sinabi ni Gov. Jayvee Tyron Uy na apektado rin ng landslide ang dalawa hanggang tatlong lane ng national highway na may 55 metro ang haba.
Sa kabila nito, sinabi ni Uy na maaari pa ring madaanan ng mga motorista ang highway.
Nawalan din ng kuryente sa ilang parte ng munisipalidad matapos matabunan ng lupa ang tatlong electric post.
Sa ngayon, patuloy na inaayos ang mga poste para muling maibalik ang kuryente sa lugar.
Sinabi rin ni Francisco na wala pa silang natatanggap na anumang ulat ng pagbaha o iba pang landslide sa rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.