Face-off nina Erap at Lim kaugnay sa Torre de Manila issue, ikinasa na ng Kamara

torre de manilaItinakda na ng House Committee on Metro Manila Development sa July 01 (Miyerkules) ang imbestigasyon sa kontrobersiyal sa Torre De Manila.

Ayon kay Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng lupon, tulad ng nauna niyang pahayag, imbitado sa pagdinig sina Manila Mayor Joseph Estrada at dating Manila Mayor Alfredo Lim.

Padadaluhin din ang mga opisyal ng D.M. Consunji Incorporated o DMCI, ang developer ng Torre de Manila na tinaguriang “Pambansang Photobomber.”

Agad namang nilinaw ni Castelo na ang isasagawa nilang pagdinig ay “in aid of legislation” at hindi isang “blame game.”

Sinabi ni Castelo na gusto lamang ng mga Mambabatas na maliwanagan kung bakit hinayaang itayo ang halos limampung palapag na Torre De Manila.

Sa kasalukuyan ay nagtuturuan sina Estrada at Lim kung sino ang nagbigay ng pahintulot at responsable sa umano’y ilegal na pagtatayo ng naturang condominium.

Sa pamamagitan din aniya ng Congressional inquiry, makakalikha ang Kongreso ng mga batas upang hindi na maulit ang problema at mababatid kung papaano pa mapapalakas ang ngipin ng National Commission for Culture and Arts para ipagbawal ang pagtatayo ng mga matataas na gusali sa mga lugar na kinatatayuan o malapit sa mga historical landmark sa buong bansa. / Isa Avendaño-Umali

Read more...