Kidapawan bishop, ilang indibidwal nagmartsa para ipagdasal ang mapayapang BOL plebiscite sa Lunes
Nagmartsa ang daan-daang church workers, mga miyembro ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at ilang indibidwal sa Mindanao.
Pinangunahan ni Kidapawan Diocese Bishop Jose Colin Bagaforo ang isinagawang three-kilometer walk.
Layon nitong ipagdasal ang mapayapang pagdaraos ng Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite sa Lunes, January 21.
Dumaan ang mga nakiisa sa martsa sa Cotabato-Kidapawan-Davao highway dala ang mga placard at tarpaulin na mayroong peace sign.
Daan-daang kandila rin ang sinindihan para magsilbing ilaw sa matagumpay na pagsasagawa ng BOL plebiscite sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hinikayat ni Bishop Bagaforo ang lahat na magdasal para sa kapayapaan base sa respeto sa kapwa, sa batas at sa kapaligiran.
Binanggit pa ni Bagaforo ang liham ni Pope Francis na may katagang, “most of all, peace entails a conversion of heart and soul.”
Samantala, mahigit 7,000 na Moro naman ang nagtipun-tipon sa University of Southern Mindanao (USM) sa bayan ng Kabacan para suportahan ang BOL plebiscite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.