Nakapasok na ng bansa ang binabantayang low pressure area ng Pagasa.
Sa 12:00 noon advisory ng weather bureau, ganap na alas-10:00 ng umaga ng pumasok sa Philippine Area of responsibility (PAR) ang sama ng panahon.
Huli itong namataan sa layong 860 kilometers sa silangang bahagi ng Hinatuan, Surigao del Sur alas-11:00 ng umaga ng Sabado.
Sa kabila nito, sinabi ng Pagasa na mababa pa rin ang tsansa na maging isang ganap na bagyo ang LPA.
Sakali’t maging ganap na bagyo ay pangunahing maaapektuhan nito ang Eastern Samar at Caraga areas.
Katamtaman hanggang sa may kalakasang pag-ulan ang mararanasan sa Caraga region, Davao Oriental, Compostela Valley, Camiguin, at Misamis Oriental simula sa hapon hanggang sa gabi.
Katamtaman hanggang sa may kalakasang pag-ulan ay mararanasan din sa Caraga, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas, the Bicol Region, Southern Quezon, Marinduque, at Romblon sa araw ng Linggo.
Pinapayuhan ng Pagasa ng ibayong pag-iingat ang mga naninirahan malapit sa mga baybayin at mga binabahang lugar na maging mapagmatyag at maghanda sa epekto ng malalakas na pag-ulan.