LPA posibleng pumasok na ng PAR mamaya; tatama sa eastern section ng Mindanao bukas

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,170 kilometro Silangan ng Mindanao.

Ayon kay Senior Weather Specialist Chris Perez, simula mamayang gabi ay magdadala na ito ng mga may kalakasang pag-ulan sa Visayas at Mindanao.

Papasok ito ng western boundary ng PAR mamayang gabi habang bukas, araw ng Linggo ay tatama na sa eastern section ng Mindanao.

Dahil dito, asahan na ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Southern Quezon, Mindoro Provinces, Romblon, Marinduque, Bicol Region, Eastern at Central Visayas, Caraga, Compostella Valley at Davao Oriental.

Sakaling maging bagong bagyo ngayong araw ay papangalanan itong ‘Amang’ at itataas ang Signal no. 1 sa Eastern Visayas at Caraga areas.

Samantala, ngayong araw, apektado pa rin ng Amihan ang Luzon at Visayas.

Maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi naman ng Luzon ay mainit ang panahon at may tyansa lamang ng pulo-pulong pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Dahil sa trough ng LPA, mararanasan naman ang maulap na kalangitan na may mahihina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat sa Eastern Visayas, Caraga at Davao Region.

Nakataas ang gale warning at mapanganib ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Cagayan. Isabela, Aurora, Camarines Provinces, Catanduanes, Eastern coast of Albay, Eastern coast Sorsogon, Eastern coast of Quezon including Polillo Islands, Northern Samar, Eastern Samar, Surigao del Norte, Dinagat Islands at Siargao Island.

Read more...