Duterte nais makausap si Misuari para sa peace deal

By Len Montaño January 19, 2019 - 12:57 AM SHARE(S):

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-pulong kay Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari para magkaroon ng peace deal matapos ang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ang BOL ay resulta ng negosasyon ng gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na breakaway faction ng MNLF.

Sa kanyang talumpati sa peace assembly para sa ratipikasyon ng BOL sa Cotabato City Biyernes ng hapon, sinabi ng Pangulo na umaasa siyang makausap si Misuari sa susunod na mga araw.

“I hope to talk to him (Misuari) in the coming days as we agreed. Sabi ko tapusin muna natin ito (BOL), hintayin natin ‘yung atin then again we can resume after the Bangsamoro,” pahayag ng Pangulo.

Layon ni Duterte sa pulong kay Misuari na iparating ang pakikipag-kaibigan at kapayapaan at umaasa ito na magkakasundo silang isulong ang kapakanan ng MNLF at ng mga Moro sa Mindanao.

Matatandaan na tinutulan dati ng MNLF faction ni Misuari ang BOL at nais na kilalanin ng gobyerno ang 1996 peace agreement na nagbigay-daan sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan nagsilbi siyang gobernadora.

Sakaling maratipikahan sa plebisito sa January 21, ang BOL ang bubuo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tutugon sa pagnanais ng mga Moro ng awtonomiya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.