(UPDATED) Hindi bababa sa dalawampu’t isang katao ang nasawi habang nasa animnapu’t walong indibidwal ang sugatan sa car bombing sa isang police cadet training academy sa Bogota,Colombia.
Ayon kay Defence Minister Guillermo Botero, isang “terrorist attack” ang nangyari at ang itinuturong responsable rito ay ang National Liberation Army o kilala bilang ELN rebels.
Sa pinakahuling ulat, naaresto ng mga otoridad ang isang suspek na sinasabing may kinalaman sa pambobomba.
Kinilala ang suspek na si Ricardo Carvajal at nakumpiska mula sa kanya ang ilang military uniforms at isang rebel combatant manual. Nahaharap siya sa kasong murder at terrorism.
Kaugnay nito, idineklara na ng Colombian government ang “3 days of mourning” matapos ang naganap na pag-atake.
Naging matindi ang pinsalang idinulot ng malakas na pambobomba habang patuloy na naghahanap ng survivors ang mga otoridad doon, ngunit may pangamba na tumaas pa ang death toll.
Mariin namang kinondena ni United Nations Secretary General Antonio Guterres ang malagim na pag-atake.
Sa statement, nakikiramay si Guterres sa pamilya ng mga biktima at iginiit na dapat mapanagot ang mga salarin.