Itinanggi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino na ipinarada ng kanilang agents sa mga mamamahayag ang ilang menor de edad na nailigtas mula sa ilang drug den sa Navotas City.
Nag-viral sa Facebook ang mga litrato na nagsabing ipinarada ng PDEA agents ang 12 kabataan na pinaniniwalaang nagtatrabaho para sa drug pushers sa lugar.
Sa isa sa mga larawan ay makikita ang mga bata na naglalakad na naka-linya at ang iba ay nasa likuran ang kanilang mga kamay.
Nasa 16 na drug suspects ang naaresto sa naturang buy bust operation.
Pero sinabi ni Aquino na hindi ipinarada ang mga kabataan kundi papunta ang mga ito sa sasakyan ng PDEA matapos ang operasyon.
Giit ng PDEA chief, walang protocol na nalabag at sinunod ng kanilang mga tauhan ang proseso sa pagsagip sa mga menor de edad na umanoy sangkot sa iligal na droga.
Hindi anya pinosasan o inabuso ang mga bata at pinakain pa sila ng mga PDEA agents matapos ang operasyon.