Eastern Visayas at Caraga uulanin mula sa Sabado at Linggo dahil sa papalapit na LPA na magiging bagyo
Wala pang epekto sa bansa ang Low Pressure Area (LPA) na nasa labas ng bansa ngayong araw hanggang bukas.
Gayunman, sinabi ni Pagasa Weather Specialist Jun Galang simula sa Sabado ng gabi ay magkakatid na itong mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Eastern Visayas at Caraga Region.
Sinabi ni Pagasa Administrator Dr. Vicente Malano kahit isang LPA lang o maging isang tropical depression sinabi ng PAGASA na hindi ito dapat na ipagsalawang-bahala ng publiko.
Base sa ipinakikitang signature ng LPA, ang posibleng ulan na maihahatid nito ay halos pareho ng ulan na inihatid ng tropical depression Usman.
Dahil dito, maagang inaabisuhan ng Pagasa ang mga residente sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Sa pagtaya ng Pagasa, simula bukas ng gabi (Jan. 19) makararanas na ng moderate hangang heavy na pag-ulan sa Eastern Visayas, Caraga, Compstela Valley at Davao Oriental.
Sa Linggo naman, Jan.. 20. moderate hanggang heavy na pag-ulan ang mararanasan din sa Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Central Visayas, Compostela Valley, Davao Oriental, Southern Quezon, Mindoro Provinces, Romblon at Marinduque.
Habang sa Lunes, Jan. 21, malakas na buhos ng ulan pa rin ang mararanasan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Southern Quezon, Mindoro Provinces, Romblon at Marinduque.
Ang mga residente sa nabanggit na mga lugar ay pinayuhan ng Pagasa na maging handa sa posibleng pagbaha at landslides.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.