Lady guard nagsauli ng P182,000 na naiwan sa Clark Airport

Isinauli ng isang lady guard sa Clark International Airport (CRK) ang wallet na mayroong laman na P182,000 na cash at naiwan ng pasahero sa ‘greeters’ area ng paliparan.

Ayon kay Clark International Airport Corp. (CIAC) President Jaime Alberto Melo, ibinalik ni Lorna Brinosa, aviation security personnel, ang wallet sa airport operations officers na nangangalaga ng mga nawala at natagpuang gamit sa paliparan.

Maliban sa pera ay walang nakuhang identification card sa wallet.

Si Brinosa, 39 anyos at security guard ng 888 Gallant Security Corp. ay nakatalaga sa landside commercial area ng airport terminal.

Nakita umano niya ang wallet sa sahig malapit sa light post.

Pinapurihan naman ni Melo ang katapatan ni Brinosa. Aniya, marahil kung iba ang nakapulot ay itinago na ang pera lalo at wala namang ID na natagpuan sa wallet.

 

Read more...